Manila, Philippines – Naniniwala ang grupong Federation of Free Workers (FFW) na tama lamang ang ginawang hakbang ng Duterte Administration na pabalikin sa Pilipinas ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Kuwait.
Ayon kay FFW President Sonny Matula kinikilala at suportado nila ang problema ng ating mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Kuwait na karamihan sa kanila ay domestic service workers na tinatrato na parang mga alila.
Paliwanag ni Matula na ang Pilipinas ay nakararanas ngayon ng diplomatic crisis sa Kuwait kung saan nanawagan sila sa gobyerno na hikayatin ang OFW na magbalik sa bansa.
Giit ng grupo mas higit pa sa pagpababalik ng mga OFW sa Kuwait ang kanilang ipinaglalaban tungkol sa contractualization na mabigyan ng desenteng hanapbuhay at sapat na sahod ang mga Filipino na hindi lamang simpleng naglilinis ng palikuran o kubeta sa Kuwait.
Magpapatuloy aniya ang kanilang panawagan sa Pangulo na pirmahan na ang Executive Order para kilalanin ang mga regular employment bilang pamamaraan ng direct hiring sa mga empleyado.