Manila, Philippines – Inendorso ng House Committee on Basic Education and Culture ang pag-aapruba sa panukalang batas na magdedeklara sa ‘Baybayin’ bilang pambansang sistema ng pagsulat sa Pilipinas.
Sa ilalim ng House Bill 1022 o ‘National Writing System Act’ na ini-akda ni Pangasinan Representative Leopoldo Bataoil, isunusulong ang paggamit ng Baybayin sa pagsusulat na isang sinaunang pre-Spanish script ng Pilipinas.
Ayon kay Bataoil, layunin nitong paunlarin ang ating sistema ng pagsusulat at mabigyang halaga ito.
Imamandato ng panukalang batas ang mga manufacturer ng mga lokal na produkto na gamitin ang Baybayin at ilagay ang salin o translation nito sa label ng mga containers.
Inaatasan din nito ang mga lokal na pamahalaan na palitan sa Baybayin ang mga pangalan ng kalsada, pampublikong pasilidad o gusali, ospital, fire at police stations, community centers at government halls.
Maging ang mga dyaryo at magazine publishers ay aatasan na ring gumamit ng baybayin.
Nakatanggap ng suporta ang panukala mula sa Department Of Education (DepEd), National Commission for Culture and Arts (NCCA) at iba pang advocacy group.
Nabatid na lusot na ang panukala sa nasabing komite.