Maghahain si ACT-Teachers Party-list Rep. France Castro ng ‘supplemental budget’ para matiyak ang ligtas na ‘face-to-face classes’ sa Setyembre at 100% na pagbabalik sa klase sa Nobyembre.
Ayon kay Castro, isang resolusyon ang ihahain nila ngayong linggo para madagdagan ang pondo sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng mga paaralan upang mapaghandaan ng husto ang ganap na pagbabalik sa klase ng mga mag-aaral.
Apela ng mambabatas kay Vice President at Education Sec. Sara Duterte at sa Marcos administration na tiyaking ang mga paaralan ay may sapat na resources at pasilidad para sa ligtas na pagbubukas ng mga eskwelahan.
Hihilingin din ng kongresista ang maximum na 35 estudyante sa kada klase bilang ‘ideal class size’, dagdag na mga guro, sapat na bilang ng mga nurses at utility personnel sa bawat paaralan at health protection at benepisyon para sa mga guro at non-teaching staff.
Muling binigyang-diin ng kongresista na ‘long overdue’ na ang ganap na pagbabalik sa mga paaralan at ang ahensya ay dapat na iprayoridad ang mga kinakailangan upang masiguro na maayos na nakalatag ang minimum safety health protocols para sa ‘in-person classes’.
Iginiit ni Castro na dalawang taon na nahirapan din ang ating education system lalo na ang mga mag-aaral bunsod ng mga problemang kinaharap sa distance learning kaya naman hindi na kakayanin pa ang panibagong pagpapaliban sa pagbabalik sa klase.