Kabilang sa inaalam ngayon ng Philippine National Police (PNP) ay kung sino ang supplier ng iba’t ibang armas na nakumpiska sa isinagawang raid ng mga awtoridad sa bahay ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnie Teves at mga armas na nakumpiska sa mga nadakip na suspek sa karumal -dumal na pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ayon kay PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., bawat supplier kasi ay mayroong identified gun dealers.
Paliwanag ni Azurin, tukoy na ang serial number sa mga ginamit na baril pero hindi ito nakarehistro kung kaya’t maikokonsidera ang mga ito na loose firearms kung saan inaalam na ngayon kung paano napunta sa mga suspek ang mga baril.
Bukod pa rito ay tinitingnan din sa imbestigasyon na may iba pang mga armas na dala-dala ang mga suspek kasunod na rin ng pagkarekober sa nasa sampu pang mga baril sa tahanan ng mga Teves.