Supplier ng mga pekeng dokumento para sa mga OFW, pinaghahanap na ng Bureau of Immigration

Nagsanib puwersa ang Bureau of Immigration (BI) at ang Department of Migrant Workers (DMW) upang matigil ang mga gumagawa ng pekeng dokumento na requirement para sa pagtratrabaho sa ibang bansa ng mga manggagawang Filipino.

Tinukoy ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang kolaborasyon sa DMW na kampanya laban sa mga gumagawa ng pekeng overseas employment certificates (OEC).

Ang nasabing certificate ay pangunahíng requirements sa mga papaalis na OFW, at ito ay iniisyu ng DMW.


Napansin ni Tansingco na ang mga biktima ng illegal recruitment ay gumagamit ng pekeng OEC.

Nito lamang nakaraang araw, isang 50-anyos na babae ang na-recruit magtrabaho bilang household service worker sa Hongkong, palipad na sana ang biktima bago siya naharang ng immigration personnel.

Nagpakita ng dokumento ang biktima ngunit nang suriin ang dalang OEC sa data base ng bureau na konektado sa DMW ay nakumpirmang peke ito.

Ang insidente ay ipinadala na sa Inter-Agency Council Against Trafficking upang isailalim sa imbestigasyon.

Tiniyak naman ni Tansingco na kumikilos na ang kanilang tanggapan upang matunton ang mga supplier ng pinekeng dokumento.

Facebook Comments