Supply deal para sa 30 million doses ng Novavax vaccine, pipirmahan ngayong araw

Nakatakdang lagdaan ngayong araw ng pamahalaan ang supply agreement sa Novavax para sa 30 milyong doses ng COVID-19 vaccines.

Layunin nitong mapalakas ang vaccine stocks ng Pilipinas sa harap ng pagpapatupad ng immunization program.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi pa niya maaaring isapubliko ang halaga ng Novavax vaccines hanggang sa mapirmahan ang kasunduan.


Bukod dito, sinabi ni Roque na nilagdaan na ng pamahalaan ang purchase order para sa karagdagang isang milyong doses ng Sinovac.

Nasa ₱700 million ang inilaan para sa nasabing procurement.

Ang supply agreement naman para sa 13 million doses ng Moderna ay naselyuhan na rin ng gobyerno habang mayroong karagdagang 7 million doses ng pinagtibay ng pribadong sektor.

Idinagdag din ni Roque na pinaplantsa ang supply agreement sa Johnson & Johnson.

Ang Novavax ay isang US drug manufacturer kung saan mayroong 89% efficacy rate ang kanilang COVID-19 vaccine.

Facebook Comments