Tiniyak ng National Task Force against COVID-19 na dadagdagan nila ang alokasyon ng COVID-19 vaccines sa Metro Manila sakaling ipatupad na sa Biyernes ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay NTF against COVID-19 Deputy Chief Implementer Secretary Vince Dizon, nasa apat na milyong doses ng bakuna ang kanilang idadagdag kasunod na rin ng hiling ng Metro Manila Mayors.
Kaugnay niyan, karagdagang 2.5 million doses ng bakuna naman ang ilalaan para sa mga lalawigan na sakop ng National Capital Region (NCR) Plus.
Samantala, iminungkahi rin ng NTF na bigyan na rin ng bakuna ang mga residenteng hindi kabilang sa anumang COVID-19 vaccination priority group.
Paliwanag ni Dizon, sa ngayon ay sapat ang suplay ng mga bakuna sa NCR kaya’t walang magiging problema kung babakunahan na ang mga indibidwal na gusto nang magpabakuna.
Una nang sinabi ng Malacañang na hindi maaapektuhan ang vaccination rollout sa NCR sa kabila ng pagpapatupad ng pinakamahigpit na lockdown.