Supply ng bigas sa bansa, sapat sa kabila ng pinsala ng Bagyong Paeng —DA

Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na sapat ang supply ng bigas sa kabila ng P2.8 billion na halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa Bagyong Paeng.

Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista, sapat ang supply ng bigas sa bansa, partikular ang local rice, dahil lumago ang produksyon ng palay ngayong taon sa 12.67 million metric tons.

Dagdag ni Evangelista, hindi pa ikinukunsidera ng DA na mag-import muli ng bigas kahit malaki ang pinsalang idinulot ng bagyo.


Sinabi rin ni Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) Chairman Rosendo So na hindi gaanong naapektuhan ang mga palayan sa Northern at Central Luzon, na kapwa pangunahing rice producer.

Sapat din aniya ang supply ng karneng baboy at manok at bagaman may bahagyang paggalaw sa presyo ng agri-products, ay maaaring sa ilang lugar lamang ito maranasan.

Facebook Comments