SUPPLY NG GALUNGGONG SA MERKADO, INAASAHANG TUMAAS SA PAPARATING NA PEAK SEASON

Inaasahang dadami ang suplay ng galunggong sa mga pamilihan sa pagpasok ng peak season, bagay na posibleng magdulot ng pagbaba ng presyo ng nasabing isda sa mga susunod na linggo.

Base sa panayam ng IFM Dagupan kahapon, Pebrero 10, sinabi ng ilang nagtitinda ng isda sa Dagupan at San Carlos City na karaniwang dumadami ang huli ng galunggong tuwing buwan ng Marso, dahilan upang maging mas abot-kaya ito sa mga mamimili.

Paliwanag ng mga tindera, direktang nakakaapekto ang dami ng suplay sa presyo ng isda—kapag sagana ang huli, mas bumababa ang presyo sa merkado.

Sa kasalukuyan, sapat umano ang suplay ng ilang uri ng isda tulad ng tilapia at bangus, na nagresulta sa pagbaba ng presyo ng mga ito sa ilang pamilihan.

Ayon sa mga tindera, ang tilapia ay kasalukuyang nagkakahalaga ng ₱100 hanggang ₱120 kada kilo, habang ang bangus na dati’y nasa ₱280 kada kilo ay bumaba na sa ₱190 hanggang ₱220 kada kilo.

Bagama’t hindi pa gaanong bumababa ang presyo ng galunggong sa ngayon, inaasahan ng mga nagtitinda na mas magiging mura ito kapag tuluyan nang dumami ang suplay sa merkado.

Kaugnay nito, ayon sa Samahan ng Magbabangus ng Pangasinan (SAMAPA), inaasahang tataas ang lokal na huli ng isda pagsapit ng Marso dahil sa mas maayos na kondisyon ng panahon na pabor sa pangingisda, kabilang na ang galunggong.

Facebook Comments