Tiniyak ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR na hindi magkukulang ang supply ng isda sa mga pamilihan sa kabila ng pagpapatupad ng closed fishing season.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni BFAR Director at Undersecretary Eduardo Gongona na mag-iimport ang bansa ng 60,000 metric tons ng isda ngayong huling quarter ng taon.
Dahil dito, hindi aniya magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng isda sa mga pamilihan dahil sapat ang supply ng mga ito at hindi rin tuluyang ipinagbabawal ang pangingisda ng mga maliliit na fishing vessel.
Samantala, sinabi naman ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) na hindi dapat umasa ang bansa sa mga import tuwing closed fishing season.
Iginiit ni PAMALAKAYA Chairperson Fernando Hicap na mas mawawalan ng kikitain ang mga lokal na mangingisda kung sa import lamang tayo umaasa ng supply.