Tiniyak ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa publiko na sapat ang supply ng itlog ng manok at pugo sa gitna ng bird flu outbreak sa ilang lugar sa bansa.
Ayon kay BAI Director Reildrin Morales, may ilang kaso ng bird flu ang binabantayan sa ilang mga itlugan pero kalaunan ay agad ring naresolba.
Aniya, ang mga kaso ay itinuturing na nalutas kapag ang mga nahawaang ibon ay na-cull na o nakatay na o ang mga insidente ay nasubaybayan.
Tiniyak naman ni Morales na nakakatanggap ng P100 ang magsasaka kada kinatay na manok o itik at P15 sa kada pugo.
Nauna nang tiniyak ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar sa publiko na mahigpit nilang binabantayan at ipinapatupad ang biosafety guidelines para maiwasan ang pagkalat ng bird flu sa ibang mga lugar.