Supply ng karne ng baboy at manok sa mga palengke sa Metro Manila, apektado ng pork holiday

Pahirapan ngayon ang supply ng baboy at manok sa mga palengke sa Metro Manila.

Ilang nagtitinda kasi ang naki-isa sa “pork holiday” sa unang araw ng implementasyon ng price cap ng gobyerno.

Maraming stall ng baboy at manok ang sarado sa Balintawak Market at Kamuning Market sa Quezon City, maging sa Pasig City Mega Market.


Sa interview ng RMN Manila sa pangulo ng meat section ng Pasig Mega Market na si Benjamin Viray, dahil masyadong mababa ang itinakdang price cap ng gobyerno, malulugi sila lalo na’t mahal din ang presyo ng baboy at manok mula sa mga trader.

Aniya, kung ipipilit ang 60-days na price freeze, nasa 60% ng mga nagtitinda ng baboy at manok ang posibleng tumigil sa kanilang hanap-buhay dahil sa laki ng kanilang lugi.

Sa bisa ng Executive Order 124 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, itinakda ng pamahalaan ang price cap na P300 sa kada kilo ng liempo, P270 kada kilo ng kasim at pigue habang P160 kada kilo ng dressed chicken sa loob ng 60 na araw sa lahat ng mga palengke sa Metro Manila.

Ito ay matapos ang maitala ang P420 kada kilo ng liempo at P420 kada kilo ng pigue at kasim dahil sa kakulangan ng suplay dahil sa African Swine Fever.

Facebook Comments