May tiyansang makaapekto sa katayuan sa mga survey o mismong kandidatura ni presidential aspirant Bongbong Marcos ang hindi nito pagsipot sa Presidential Interviews ng isang TV network noong Sabado.
Tingin ng political analyst na si Atty. Michael Yusingco, posibleng may mga supporter ni Marcos ang madismaya sa kanya.
Aniya, mahalaga kasi para sa decision-making process ng mga botante ang ganitong mga pre-election activities dahil oportunidad ito sa kanila na makita ang husay, abilidad at kahandaan ng mga kandidato sa pamumuno sa bansa.
“Most of the voters, most of the elector, really appreciate the value of the debate tsaka yung panel interviews, kasi nakakatulong sa kanila,” ani Yusingco sa panayam ng RMN Manila.
“So, ang hindi pagsipot o pagiging absent, palagay ko meron sigurong porsiyento sa mga suppotrters niya ang mate-turn off.
“Maraming tanong na pwedeng ma-raise, ‘Bakit hindi ka nag-attend? Hindi ka ba handa? Meron ka bang kinakatakutan, meron ka bang tinatago?’ So the fact na wala siya dun raises questions about his competency, his motivation in running,” paliwanag niya.
Una rito, ipinaliwanag ni Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos na nagdesisyon silang hindi dumalo sa programa dahil sa paniniwala nilang “biased” laban sa kanila ng mamamahayag na si Jessica Soho kaya magiging biased din ang mga tanong.
“Sa tingin ko yun talaga ang dahilan kasi abogado na niya mismo ang nagsabi.”
“Pero nakakatawa kasi, isipin mo, kapag naging presidente ka, lahat ng hindi mo kaalyado biased sayo e. Kumbaga, the moment na tumuntong ka na as president of the country, malamang, marami nang porsiyento ng population biased sayo. So, dapat handa ka na humarap sa mga biases,” giit pa ni Yusingco.