Naibalik na ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa 100 percent ang supply ng kuryente sa Samar at Panay provinces habang 92 percent naman sa Negros Island, 89 percent sa Leyte at 69 percent sa Cebu.
Ayon sa NGCP, patuloy silang nagsisikap na ma-restore ang kuryente sa Bohol na ngayon ay nasa 22 percent pa lang ang naibabalik.
Nagpapatuloy rin ang pagsasaayos sa Ubay-Trinidad-Carmen 69kV transmission line at ang pagkukumpuni sa dalawang 138kV lines sa Bohol.
Sinisikap din ng NGCP na maibalik ang supply ng kuryente sa apat na 138kV lines sa Cebu.
Sa ngayon, nakapag-restore na ang NGCP ng 765 mula sa 917 na nasirang mga poste at naibalik na ang 88 mula sa 95 na naapektuhang transmission lines.
Nagpaalala naman ang NGCP na nasa pangangasiwa pa rin ng mga local electric cooperatives ang pagbabalik sa normal ng kuryente dahil kailangan ding maibalik ang mga nagtumbahang poste ng mga power distributors bago dumating ang kuryente sa mga kabahayan.