Naghain ngayong umaga ng reklamong impeachment laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen sa Kamara.
Tumayong complainant si Edwin Cordevilla na Secretary General ng Filipino League of Advocates for Good Government (FLAGG), kung saan kasama nito ang kanyang abogado na si Atty. Larry Gadon na naghain ng reklamo sa tanggapan ni House Secretary-General Mark Llandro Mendoza.
Si Ilocos Norte 2nd District Rep. Angelo Barba naman ang mag-eendorso ng reklamo.
Base sa 41 pahinang reklamo, Culpable Violation of the Constitution at betrayal of public trust ang pinagbatayang grounds ng impeachment laban kay Justice Leonen.
Paliwanag ni Gadon, hindi naghain ng kanyang Statement of Asset Liabilities and Networth (SALN) ang mahistrado sa loob ng 15 taon mula sa 22 taon sa University of the Philippines (UP) gayundin ay delayed ang pagresolba nito ng mga kaso na kanyang hinahawakan.
Si Atty. Gadon din ang naghain ng reklamong impeachment laban kay dating Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na napatalsik naman dahil sa quo warranto ng Supreme Court.