Manila, Philippines – Iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na hindi maaring pakialaman ng Korte Suprema ang senado at kamara kaugnay sa proseso ng pagamyenda sa saligang batas.
Diin ni Drilon, hindi maaring i-akyat sa kataas taasang hukuman ang hindi pagtugon ng senado sa resolusyon ng kamara na nagtatakda sa dalawang kapulungan na magkasamang umupo at bomoto bilang constituent assembly.
Tinukoy ni Drilon ang naging pahayag ni dating Chief Justice Reynato Puno na ang pag amyenda sa saligang batas at paraan para ito ay gawin ay isang political exercise na labas sa hurisdiksyon ng Supreme Court.
Ipinaalala pa ni Drilon na ang Supreme Court ay co-equal branch o kapantay na sangay ng mataas at mababang kapulungan ng kongreso.
Ang pahayag ni Drilon at opinyon ni dating Chief Justice Puno ay kasunod ng pasya ng senado na huwag makiisa sa nais na joint session ng kamara.
Sa katunayan, sinuportahan pa ng mga senador ang nais ni Senator Panfilo Lacson na i-expel o patalsikin ang sinuman sa kanilang kasamahan na magbabalak dumalo sa nabanggit na joint session para talakayin ang Cha-cha.