Hindi na tatanggap pa ang Korte Suprema ng anumang ihahain na petisyon o argumento sa isyu ng land dispute sa pagitan ng Makati at Taguig City.
Sinabi ni Atty. Brian Keith Hosaka, ang tagapagsalita ng Korte Suprema, naisapinal na ang desisyon sa land dispute kaya’t hindi na tatanggap ng anumang pleadings, motions, letters o anumang komunikasyon patungkol dito.
Sinabi pa ni Hosaka na ang huling apela ng lokal na pamahalaan ng Makati City na humihiling na resolbahin ang land dispute sa Supreme Court en Banc ay ibinasura na rin dahil sa kawalan ng merito at mga dokumentong maaaring maging suporta.
Muling iginiit ng Korte Suprema na ang Taguig ang nakasasakop sa kinukuwestiyong lupa kung saan ang 729-hectare na Fort Bonifacio kabilang ang pitong barangay at iba pa ang nasa ilalim nito.
Maging ang gastos sa nasabing kaso ay babayaran ng lokal na pamahalaan ng Makati habang nais naman ng Taguig LGU na magsimula na at tapusin na ang naturang isyu.
Kaugnay nito, umaasa ang buong pamahalaan ng Taguig City na makipagtutulungan ang lungsod ng Makati para sa gagawing transisyon ng public service kung saan pakinggan sana nito ang apela ng mga residente lalo na ang hiling ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado na magtulungan ang dalawang panig para magkaroon ng maayos na transisyon upang hindi na magkaroon pa ng problema at maipagpatuloy ang serbisyo publiko.