Itinanggi ni Supreme Court Spokesman Atty. Brian Keith Hosaka na may ipinalabas na kautusan ang Korte Suprema na nagtatakda ng oral argument para sa territorial dispute sa pagitan ng Taguig at Makati City na una ng nagkaroon ng final and executory decision kung saan ang pinag-aagawang Bonfacio Global City (BGC) at siyam pang barangay ay nasa legal na hurisdiksyon ng Taguig City.
Ayon kay Hosaka wala syang alam na ganitong ipinalabas na kautusan at kung mayroon man ganitong kautusan ang Korte Suprema ay ipalalabas ito sa website at social media account ng kataas taasang hukuman.
Ang paglilinaw ni Hosaka ay bilang reaksyon sa naging pahayag ni Makati City Mayor Abby Binay sa sinabi nitong nakatanggap ang Makati City Legal Office ng dokumento na nagtatakda ng oral argument para sa territorial dispute.
Nang tanungin naman si Binay kung kelan ang petsa ng hearing base sa natanggap nilang dokumento ay hindi pa niya ito alam pero iginiit na oral argument ang itinakda ng SC alinsunud sa natanggap nilang dokumento.
Sa panig naman ng Taguig City sinabi nito na walang ganitong dokumento silang natatanggap.
Taliwas ang pahayag ni Binay sa resolusyon na ipinalabas ng Korte Suprema noong Abril na nagsasabi na ibinasura ang Omnibus Motion ng Makati City na humihigiling na iakyat ang territorial dispute case sa SC en banc at magkaroon ng oral argument sa kaso.
Una nang ipinaliwanag ni Hosaka na pinal na ang ipinalabas na desisyon ng SC hinggil sa Makati-Taguig territorial dispute at kasamang ibinasura ang mosyon na humihiling na magtakda ng oral arguments habang nagkaroon na rin ng Entry of Judgement sa kaso na nangangahulugan na ang desisyon ay final and executory.