Supreme Court, nagbaba na ng desisyon sa petisyon na palayain ang mga presong high risk sa COVID-19

Ibinababa ng Korte Suprema sa mga trial court ang pagpapasya sa kahilingan ng ilang mga bilanggo na nakakatanda, may sakit at buntis na sila ay pansamantalang makalaya ngayong may pandemya ng COVID-19.

Ang petisyon ay inihain ng mahigit dalawampung inmate noong Abril, kung saan umapela sila sa Korte Suprema na sila ay bigyan ng humanitarian consideration.

Kinumpirma ng Supreme Court Public Information Office na kinokonsidera na ng hukuman bilang application for bail ang nasabing petisyon.


Pero dahil ang mga petitioner ay nahaharap sa kaso na may katapat na parusang reclusion perpetua o pagkabilanggo ng hanggang 40 taon, kinakailangang dumaan ang kanilang kahilingan sa pagdinig sa trial court.

Tutukuyin aniya ng trial court kung malakas ang evidence of guilt laban sa mga akusado base sa mga ipiprisintang ebidensya.

Kung mahina ang ebidensya, maaaring payagang makapagpyansa ang mga petitioner.

Binigyang diin ng Korte Suprema na dahil ang kaso ay mayroong factual questions, ang trial court ang akmang magdesisyon sa kahilingan ng mga petitioner.

Facebook Comments