Idineklarang unconstitutional ng Supreme Court ang regulasyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nag-uutos sa mga self-employed professionals na isumite ang mga rate at irehistro ang kanilang mga appointment book.
Sa desisyon ng Korte Suprema na sinulat ni Senior Associate Justice Marivic Leonen, sinabi nitong labag sa konstitusyon at privacy ng mga kliyente ang Section 2 ng Revenue Regulations No. 4-2014 ng BIR.
Ang utos ng ito ng BIR ay tumutukoy sa mga self-employed professionals kung saan inatasan sila na isumite ang affidavit ng kanilang mga kinikita sa mga kliyente, paraan ng paniningil at pagpapataw ng service fee.
Maliban dito, iniutos din ng BIR na irehistro ng mga self-employed professionals ang kanilang mga appointment book na naglalaman ng pangalan ng kanilang mga kliyente, mga araw at oras ng kanilang meeting sa kliyente.
Kabilang sa mga natukoy na self-employed professionals ay mga abogado, doktor, Certified Public Accountant, Engineers at mga kahalintulad na mga professionals na hindi empleyado ng anumang kompanya.
Sabi ng Korte Suprema, nilabag ng BIR ang data privacy na nasa ilalim ng konstitusyon ng ilabas nito ang nasabing Revenue Regulations.