Pinag-aaralan na ng lokal na pamahalaan ng Surigao del Sur ang pagdedeklara ng State of Calamity, kasunod ng pananalasa ng Bagyong Odette.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Surigao del Sur Governor Alexander Pimentel na nagpatawag na siya ng special session ngayong araw kaugnay rito.
Ito ay ayon sa gobernador dahil kaunti na lamang ang calamity fund ng mga Local Government Unit sa kanilang lugar, dahil nailaan na rin aniya ang bahagi nito sa nagpapatuloy na COVID-19 response ng pamahalaan.
Gayunpaman, una na rin aniya silang nakapamahagi ng food packs sa mga apektadong residente.
Base sa kanilang datos, nasa 45, 000 pamilya o 140,000 indibidwal ang apektado ng bagyo sa kanilang lugar.
Nasa 12 bahay aniya ang totally damaged, habang 235 ang partially damaged.