Inihahanda na ni Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay ang lahat ng “legal remedies” para hamunin ang naging desisyon laban sa kanya ng Sandiganbayan.
Matatandaang hinatulan ng guilty ng Sandiganbayan 4th Division ang kongresista kaugnay sa graft case sa maling paggamit ng ₱780 million na pondo ng Local Water Utilities Administration (LWUA) noong siya pa ang Chairman ng ahensya noong 2009.
Ayon kay Pichay, tinatalakay na nila ng kanyang mga abogado ang susunod na hakbang na gagawin.
Tiniyak ng mambabatas na gagamitin niya ang lahat ng posibleng legal na remedyo na naaayon sa batas para baligtarin o iapela ang hatol sa kanya ng korte.
Binigyang diin pa ng kongresista na ang paghatol ng “guilty” ay mangyayari lamang kapag may ebidensyang iprinisinta “beyond reasonable doubt”.
Pero ikinagulat ng mambabatas ang desisyon ng korte dahil sa orihinal na reklamo ay 22 silang akusado pero dalawa lamang sila ng dating deputy administrator na nahatulang guilty sa kaso.