Hawak ang mga walis, kalaykay, at iba pang cleaning materials, sama-sama ang ilang mga residente ng barangay Centro Toma, Bani, Pangasinan sa paglilinis ng Surip Pilgrimage Site bilang paghahanda sa dagsa ng mga mananampalataya sa darating na Semana Santa.
Sa pangunguna ng ilang local government offices, kasama ang PNP Bani, matiyagang nilinis ng mga residente ang pilgrimage site na mayroong 14 stations.
Bilang bahagi ng pamamanata ng mga katoliko, ginagawa nila ang Way of The Cross kagaya na lamang ng Surip Pilgrimage Site na kung saan ay kailangan tapusin ang 1,000 steps at 14 Stations of The Cross.
Matatandaang ang Surip Pilgrimage ay nagsimula nang dayuhin noon pang 1975, at mula noon, panata na rin ng mga residente dito na panatilihing malinis ang lugar lalo na tuwing Semana Santa.
Samantala, kung sakaling mapagod man ang mga mananampalataya sa kanilang pag akyat sa Surip Mountain, maari naman silang magrelax at magpahinga sa Surip Beach na matatagpuan sa mismong baba ng bundok ng pilgrimage site na swak para sa mga pamilyang magkakasamang magninilay-nilay ngayong Holy Week. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨