Nagresulta sa planong pagpapatupad ng surprise drug test, purok-wide curfew, at pagtatatag ng task force, ang konsultasyon ng lokal na pamahalaan sa mga residente dahil sa patuloy na insidente ng pambabato sa mga kabahayan sa Purok 4, bry. Embarcadero, Mangaldan, Pangasinan.
Sa ilalim nito, iiral ang purok-wide curfew mula alas diyes ng gabi hanggang alas kwatro ng madaling araw upang restriktuhan ang galaw ng mga residente na posibleng sangkot sa pambabato.
Plano ring magsagawa ng surprise drug test na unang isasagawa sa mga kabataan dahil sa posibilidad na gumagamit ng ilegal na droga ang mga suspek dahil sa patuloy na pagsuway sa kabila ng pakiusap ng mga awtoridad.
Inatasan na ang Sangguniang Kabataan na magsumite ng kumpletong listahan ng mga kabataan at hinimok naman ang mga magulang na lumagda sa consent sa oras na isailalim ang kanilang mga anak sa drug testing.
Upang maresolba na ang isyu, maglalagay na rin ng CCTV ang barangay council upang matutukan ang galaw ng mga residente kasabay ng pagpapatrolya ng binuong task force sa lugar.
Ayon naman sa kapulisan, posibleng humantong na sa kategorya ng attempted murder, depende sa imbestigasyon, ang kakaharapin ng sangkot sa pambabato.
Ang sinumang mapatunayang responsable sa insidente ng pambabato sa mga kabahayan ay posible ring ideklara bilang persona non grata sa Mangaldan.
Sa huli, hinimok ng lokal na pamahalaan ang pagkakaisa sa komunidad upang maibalik ang katahimikan sa lugar. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










