Nagsagawa ng biglaang inspeksyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 1 sa mga jeep at bus terminals sa Alaminos City bilang bahagi ng pinaigting na pagbabantay sa kaligtasan ng mga pasahero at pagsunod ng mga pampublikong sasakyan sa umiiral na regulasyon.
Kasabay ng inspeksyon sa mga terminal ay isinagawa rin ang roadworthiness check ng mga pampublikong sasakyan upang matiyak ang maayos na kundisyon ng mga ito bago bumiyahe.
Sinuri ang pisikal at mekanikal na kalagayan ng mga sasakyan, gayundin ang kumpletong dokumento na kinakailangan para sa operasyon.
Layunin ng aktibidad na masiguro na ligtas, maaasahan, at sumusunod sa pamantayan ang mga pampublikong sasakyan na bumibiyahe sa lungsod, lalo na sa mga terminal na araw-araw ginagamit ng mga commuter.
Ayon sa LTFRB Region 1, patuloy ang pagsasagawa ng ganitong mga inspeksyon sa iba’t ibang lugar sa rehiyon upang mapanatili ang kaayusan sa pampublikong transportasyon at maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.










