Manila, Philippines – Nagulantang ang mga tauhan ng Manila International Container Port (MICP) sa Tondo, Maynila nang biglang dumating sa kanilang tanggapan si Customs Commissioner Isidro Lapeña.
Ayon kay Lapeña, layon ng kanyang pagbisita ay upang mamili ng random container para inspeksyunin at malaman kung sumusunod ang mga ito sa batas o hindi kaya ay sa papeles na deklarasyon nito sa Customs.
Sa ginawang sample opening, nabuksan ng mga tauhan ni Lapena ang isang container mula sa Chevron Philippines kung saan mga drum ang laman at inaasahang mga langis ang nasa loob.
Nag-match naman sa mga dokumento ang laman ng nasabing container.
Dumaan na sa initial screening ang nasabing container partikular sa yellow lane pero hindi nangangahulugan na hindi na ito mabubuksan sa kanilang random inspection.
Dagdag pa ni Lapeña, magiging regular ang gagawin nilang random inspection bilang bagong bahagi ng mas pinatinding pagbabantay ng Customs sa mga pumapasok ng kargamento sa ating bansa.