Surveillance sa mga Illegal Loggers sa Rehiyon Dos, Pinaigting ng DENR

Cauayan City, Isabela- Mas lalong pinaigting ng Department of Environment and Natural Resources ang kanilang surveillance sa ilang lugar sa Cagayan Valley upang mapigil ang ilang indibidwal o grupo sa iligal na pamumutol ng kahoy na isa sa sanhi ng malawakang pagbaha tuwing nakakaranas ng kalamidad.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay Regional Executive Director Gwendolyn Balbalan, isang timber pushing nalang ang nangyayari sa ngayon kung ikukumpara noong unang panahon na mas malala ang ginagawang pagkakalbo sa mga kagubatan.

Aniya, mandato ni DENR Sec. Roy Cimatu kung maaari ay walang mapuputol na kahoy sa kabila ng may mga nahuhuling lumalabag sa illegal logging.


Ipinunto rin nito ang hirap at tagal sa pagpapatubo ng punong-kahoy kaya’t hinikayat nito ang publiko na magtulungan para maiwasan ang iligal na gawain at mapanatili na ligtas sa banta ng sakuna.

Bukod dito, kinakampanya rin ng ahensya ang ilang indigenous native species dahil ito aniya ang nararapat para sa buong rehiyon at kanila rin na pinatataas ang seedling propagation maliban sa punong-kahoy na Mahogany at Gmelina.

Pinahihintulutan din ang pagtatanim ng Mahogany at Gmelina para sa ‘private plantation’ na gustong mag-invest sa wood industry.

Nagpapasalamat din si Balbalan sa ilang ahensya ng gobyerno gaya ng kapulisan sa pagtulong upang mapanagot ang mga gumagawa ng maling aktibidad para sirain ang Inang Kalikasan.

Umaasa rin ito na maibabalik ang ganda ng kalikasan mula sa pagkakalbo sa mga punong-kahoy.

Facebook Comments