Manila, Philippines – Suportado ng mayorya ng mga Pilipino ang mga kumakandidato sa 2019 midterm elections na nagsusulong ng pagpapataw ng mataas na buwis sa mga sigarilyo.
Sa survey ng Pulse Asia, 64% ng mga respondents ang nagsabing iboboto nila ang mga kandidatong pabor sa pagpapataas ng tobacco tax habang 15% ang hindi.
Nasa 21% naman ang nagsabing hindi pa sigurado.
Lumalabas na karamihan sa mga respondents na susuportahan ang mga kandidatong magsusulong tobacco tax increase ay galing Mindanao (68%), kasunod ng Luzon (65%), National Capital Region (60%) at Visayas (59%).
23% ng kabuoang respondents ay current smokers, kung saan 36% sa kanila ay susuportahan ang panukalang ito habang 33% ang hindi.
Isinagawa ang survey mula a-primero ng Setyembre hanggang a-siyete.
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na suportado nila ang panukalang batas na layong itaas sa ₱90 per pack ang tobacco excise tax para pondohan ang unang taon ng implementasyon ng Universal Health Care (UHC).
Sa ngayon, nakatakda pa lamang mag-convene para sa isang bicameral conference committee ang Kamara at Senado para pag-isahin ang dalawang bersyon ng panukala bago ito pirmahan ng Pangulo bilang ganap na batas.