Manila, Philippines – Iginiit ng liderato ng Liberal Party (LP) na masyado pang maaga at marami pa ang mangyayari bago sumapit ang 2019 senatorial elections.
Ito ang inihayag ni LP President Senator Kiko Pangilinan kasunod ng pinakahuling survey ng Pulse Asia patungkol sa mga posibleng manalo sa darating na halalan.
Sa nabanggit na survey ay tanging si Senator Bam Aquino lamang mula sa panig ng oposisyon ang nakapasok sa 12 posibleng magwagi sa pagkasenador.
Naniniwala si Pangilinan na sa ngayon ay hindi pa talaga iniisip ng mga Pilipino ang eleksyon dahil mas inaalala nila ang mataas na presyo ng bilhin, hanapbuhay at kung paano madagdagan ang kanilang kita.
Ipinaalala pa ni Pangilinan na tatlong taon ang nakalipas ay mayroon ding mga kandidato na nasa ika 20 hanggang ika 25 ang ranking sa survey pero nanalo naman noong 2016 elections.