SURVEY | Malacañang naiintindihan ang naging sentimyento ng mamamayan na nakita sa resulta ng panibagong survey

Manila, Philippines – Tanggap ng Palasyo ng Malacañang ang resulta ng survey ng Social Weather Station o SWS na nagsasabi na hindi naging maganda ang buhay ng mga Pilipino sa 2nd Quarter ng 2018.

Base sa resulta ng survey na isinagawa noong June 27 hanggang June 30 ay bumaba ang bilang ng mga Pilipino na nagsabi na ang buhay nila ay gumanda kung saan umabot lamang ito sa 32% na pinakamababa na naitala sa loob ng Duterte Administration.

Tumaas naman ang bilang ng mga nagsabi na lumala ang kanilang pamumuhay sa 2nd quarter kung saan umabot ito sa 27% na pinakamataas naman na bilang sa loob ng administrasyon.


Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, naiintindihan ng Pamahalaan ang persepsyon ng mga mamamayan dahil sadyang maraming pagsubok na dumadaan sa buhay.
Kabilang aniya sa mga pagsubok na ito ay ang pagtaas ng presyo ng gasoline na siyang nakaapekto sa presyo ng pangunahing bilihin sa bansa.

Binigyang diin naman ni Roque na mahalaga na hindi nawawala ang pag-asa ng mga tao bubuti din ang kanilang pamumuhay.

Sinabi din naman ni Roque na malaki ang iginanda ng ekonomiya ng bansa kaya tiyak na hindi magtatagal ang mga pagsubok na kasalukuyang nararanasan ng mamamayan.

Facebook Comments