Naiintindihan ng Palasyo ang sentimyento ng mga kababayan natin hinggil sa hirap ng buhay na kanilang pinagdadaanan sa ngayon.
Reaksyon ito ng Malakanyang sa inilabas na survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan 43% ng working age Filipinos ang naniniwalang lalo pang hihirap ang kanilang buhay sa susunod na 12 buwan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, nasa kasagsagan pa rin tayo ng quarantine, bumagsak ang ekonomiya, hindi lamang ng Pilipinas, kung hindi ng buong mundo dahil sa COVID-19 pandemic kung kaya’t kanila na itong inaasahan.
Paliwanag ng kalihim, mahirap talaga ang proseso ng pagbangon pero hindi naman aniya naging pabaya ang gobyerno at patuloy na tinutulungan ang mga itinuturing na pinakamahihirap na mga Pilipino.
Kabilang sa mga ayudang ito ay ang Social Amelioration Program (SAP), Department of Labor and Employment (DOLE) AKAP program para sa mga displaced Overseas Filipino Workers (OFWS) , COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) na ngayo’y Small Business Wage Subsidy (SBWS) program, tulong sa mga magsasaka at mga maliliit na negosyante at iba pa.