Survey result ng Pulse Asia, patunay na hindi makabubuti ang Cha-Cha para sa mga Pilipino

Binigyang-diin ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na lalong luminaw ngayon ang pagtutol ng mga Pilipino sa isinusulong na pag-amyenda sa 1987 Constitution.

Sinabi ito ni Castro, makaraang lumabas sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na 45% ng mga Pilipino ang nananatiling kontra sa Charter Change (Cha-Cha).

Bunsod nito ay muling iginiit ni Castro na magdudulot talaga ng pagkakawatak-watak sa mga Pilipino ang hirit na pag-amyenda sa Saligang Batas.


Kaya hiling ni Castro sa Marcos administration, sa halip na atupagin ang Cha-Cha ay mas mainam na tutukan nito ang pagbibigay ng kagyat na solusyon sa mga problema ng bansa.

Pangunahing tinukoy ni Castro na dapat matugunan agad ng pamahalaan ang patuloy na pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo, gayundin ang hiling ng mga manggagawa na umento sa sahod.

Facebook Comments