Survivors ng bumagsak na C-130 sa Sulu, ikinuwento ang kanilang karanasan – Sobejana

Patuloy na inaalam ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang dahilan ng pagbagsak ng C-130 plane ng Philippine Airforce sa Sulu na ikinasawi ng 53 katao.

Ang nangyaring aksidente ay itinuturing na pinakamalalang aviation accidents sa kasaysayan ng militar sa bansa.

Ayon kay AFP Chief of Staff General Cirilito Sobejana, binisita niya ang mga survivor ng plane crash at pinakinggan ang kanilang naging karanasan ilang sandal bago nangyari ang trahedya.


Sinabi rin ni Sobejana na narekober na ang blackbox o yung flight data recorder na makakatulong para mabigyang linaw ang nangyari.

Batay sa kwento ng ilang nakaligtas, tatlong beses na tumalbog ang eroplano at nag-“zig-zag” sa runway.

Tingin ni Sobejana, sinubukan ng mga piloto na paliparin muli ang eroplano at tinangka ang second landing pero sumablay sila habang nasa ere hanggang sa tumama ang isa sa mga blade ng eroplano sa isang puno saka bumagsak at sumiklab.

May isa sa mga testigo naman ang nagkwento na tanging isa sa tatlong landing gears lamang ng C-130 ang nai-deploy nang sila ay nag-first landing.

Susuriin na rin ng mga imbestigador ang kondisyon ng runway at kukuha ng debris mula sa eroplano.

Facebook Comments