Suspected Indonesian suicide bomber, sampol sa Anti-Terrorism Act

Posibleng ang pinaghihinalaang Indonesian suicide bomber na naaresto sa Sulu ang maging pang-unang halimbawa o “test case” ng pagpapatupad ng Anti-Terrorism Act of 2020, partikular na sa provision sa “inchoate offenses.”

Ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson, ang mga nakuhang pampasabog at gamit sa pagpapasabog sa suspek na si Nana Isirani o Rezky Fantasya Rullie ay indikasyong naghahanda ito para sa isang pag-atake.

Paliwanag ni Lacson, isa sa mga bagong feature sa Anti-Terrorism Act ay ang pagparusa sa “inchoate offenses” o preparatory acts na maituturing na krimen kahit hindi pa nagdudulot ng pinsala basta ang pakay nito ay maghasik ng karahasan tulad ng terorismo.


Diin ni Lacson, ang probisyon ng inchoate offenses ay alinsunod sa mandato mula sa United Nations Security Council Resolution No. 1373 na nagsasabing dapat ituring ng estado ang paghahanda pa lamang sa karahasan bilang mabigat na kriminalidad at seryosong banta ng terorismo.

Nakarating din sa impormasyon ni Lacson na hindi masampahan ng kaso si Rullie batay sa Anti-Terrorism Act dahil sa kawalan pa rin ng Implementing Rules and Regulations kaya illegal possession of explosives lamang ang maisasampa ng mga awtoridad.

Ipinaalam ito ni Lacson kay Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra na nangako ng tamang gabay para ang tugmang kaso ang maisampa laban sa suspek.

Sinabi ni Lacson, inatasan na rin ni Guevarra ang Prosecutor General para bigyan ng tamang alituntunin si Sulu Provincial Prosecutor Anna Marie Ledesma para sa kaukulang kaso.

Facebook Comments