Suspek na Higit 2 Dekadang Nagtago sa Batas, Huli sa Quirino

11

Cauayan City, Isabela- Bumagsak din sa kamay ng mga alagad ng batas ang isang lalaki na wanted sa kasong murder matapos ang mahigit dalawang dekadang pagtatago sa batas.

Nahuli sa kanyang barangay sa Andres Bonifacio, Diffun, Quirino ang suspek na nakilalang si Ricardo Casuga Jr., apatnapung taong gulang, may asawa, magsasaka habang ang biktima ay nakilalang si Salvador Sereno ng Cordon, Isabela.


Ito’y sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni hukom Moises Pardo, ng Regional Trial Court Branch 32, Cabarroguis, Quirino na may petsang December 9, 2002 kung saan may inirekomendang piyansa ang korte na halagang P200,000 para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.

Matatandaang lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nag-ugat ang krimen nang magkaroon ng alitan ang biktima at suspek habang sila ay nagtatagay.

Dito, inundayan ng suspek ng saksak sa katawan ang biktima na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.

Ang suspek ay nakatakdang ipasakamay sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Cabarroguis, Quirino.



Facebook Comments