Suspek sa bomb threat na ikinaalarma ng mga guro at estudyanteng nag-e-exam sa Ponciano Bernardo High School sa Cubao Quezon City, arestado ng QCPD

Bumagsak na sa kamay ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek na nagpakalat ng impormasyon sa social media na mayroon umanong sasabog na bomba sa Ponciano Bernardo High School sa Cubao, Quezon City kahapon.

Ito ay matapos ang imbestigasyon at tracking na isinagawa ng QCPD sa pinanggalingan ng bomb threat.

Nagdulot kasi ng matinding alarma ang ginawa ng suspek sa mga mag-aaral, guro at mga magulang ng mga estudyante ng P. Bernardo High School.


Nadamay rin kahapon na makansela ang klase ng mga mag-aaral sa elementarya.

Itinaon ng supek ang pananakot sa unang araw ng second quarter exam ng mga mag-aaral.

Sa ngayon ay wala pang detalye sa pagkakakilanlan ng suspek na nakatakdang iharap sa isang press conference sa Kampo Karingal mamayang alas-2:00 ng hapon.

Una nang nagbabala si QC Mayor Joy Belmonte na aarestuhin at sasampahan ng kaso ang sinumang magpapakalat ng bomb threat dahil ngayong linggong ito ay apat na paaralan na ang naperwisyo.

Facebook Comments