Humingi ng tawad ang suspek sa pagpatay kay Christine Silawan na binalatan pa ang mukha sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Ayon sa 42-anyos na suspek na si Renato Llenes, sinubukan niyang magtago pero nagdesisyong na siyang aminin ang krimen dahil binabagabag na siya ng kaniyang konsensya.
Aniya, kinaibigan niya ang biktima sa Facebook gamit ang pekeng account na CJ Diaz.
Nagkasundo raw sila ng biktimang magkita noong Marso 10 sa Sacred Heart Parish sa Barangay Pajac pero nadismaya ito nang makita siya at nag-walk out.
Hinabol raw niya ito hanggang sa makarating sila sa bakanteng lote sa Barangay Bankal, kung saan natagpuan ang bangkay ni Silawan.
Sabi pa ng suspek, may mga masasakit na sinabi sa kaniya ang biktima lalo na at umamin umano ito na may naging kasintahan na ito.
Gusto raw sana niyang makipagtalik sa biktima pero hindi daw ito pumayag.
Doon na raw siya nagalit kaya pinagsasaksak niya ang biktima gamit ang gunting at binalatan ang mukha para hindi makilala.
Inamin rin ng suspek na gumamit siya ng droga pero itinanggi niyang ginahasa ang biktima.
Si Llenes ay unang nasakote nitong Abril 9 dahil sa kasong Illegal Possession of Firearms at paglabag sa election gun ban.
Habang nakatakda siyang sampahan panibagong kasong murder ng PNP sa piskalya.