Suspek sa carjacking, dumiretso sa bangin sa tangkang takasan ang pulisya

Screenshot from Twitter/@CodyS86/KTLA

Isang suspek sa carjacking ang nahulog muna sa bangin bago mauwi sa kulungan sa United States.

Ayon sa Santa Cruz County Sheriff’s Office, una silang rumesponde sa ulat na may nagpaputok ng baril malapit sa Davenport nitong Martes, Hunyo 30.

Ilang saglit lang nang nagmaneho palayo sa lugar ang kinilalang si John Kenyanjui sakay ng nakaw umanong kotse.


Sinubukang pigilan ng awtoridad ang pagtakas ng lalaki na nagmamaneho sa bilis na 100 miles per hour (161 kph).

Kinailangan ng pulisya na itigil ang paghahabol sa suspek para sa kaligtasan sa lugar.

Hanggang sa masangkot sa banggaan ang suspek at madiskubre ng awtoridad na tumilapon sa West Cliff Drive ang kotse at dumiretso sa dagat.

Nakaligtas sa pagkahulog si Kenyanjui na lumabas sa kotse at umakyat sa bangin.

Agad inaresto ang suspek at wala namang naiulat pang ibang nasaktan sa insidente.

Facebook Comments