
Arestado ang isang carnapping suspek matapos makipaghabulan sa mga tauhan ng Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa Cavite kamakalawa.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Edgar” na nagnakaw umano ng isang sasakyan sa Dasmariñas City at tumakas patungong Maynila.
Ayon sa HPG, agad naglatag ng blocking forces ang mga pulis at naabutan ang suspek sa bahagi ng Aguinaldo Highway, Barangay Anabu, Imus Cavite.
Sa pagtakas ng suspek, nabangga pa nito ang isang pick-up truck bago tuluyang maaresto.
Samantala, nabawi ang sasakyan at dinala sa Provincial Highway Patrol Team sa Cavite para sa dokumentasyon.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek at sasampahan ng kasong paglabag sa Anti-Carnapping Act of 2016 at reckless imprudence resulting in damage to property.









