SUSPEK SA CARNAPPING SA CALASIAO, NAHULIHAN NG ILEGAL NA DROGA

Nahulihan ng ilegal na droga ang isang 41-anyos na lalaki sa Calasiao matapos itong maaresto para sa kasong carnapping noong Linggo, Disyembre 28, 2025.

Ayon sa ulat ng pulisya, inakusahan ang suspek ng pagnanakaw ng isang tricycle na pag-aari ng isang 45-anyos na negosyante mula Bayambang, Pangasinan.

Bago ang insidente, iniwan umano ng biktima ang tricycle nito sa tabi ng kalsada habang bumibisita sa isang simbahan kasama ang pamilya.

Habang umiihi sa isang madilim na lugar, nakita nitong sinusubukang itulak palayo ng suspek ang pagmamay-aring tricycle.

Nagtangkang tumakas ang suspek matapos itong harapin ng biktima, ngunit agad itong nahuli nang rumesponde ang mga pulis na malapit sa lugar.

Sa isinagawang body search, nakuha mula sa suspek ang isang pakete na naglalaman ng tinatayang 0.15 gramo ng shabu na may tinatayang halagang ₱1,020.

Ang mga ebidensya ay isinailalim sa inventory at pagmamarka sa presensya ng mga saksi at ng suspek, alinsunod sa batas, habang kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya ang kaso.

Facebook Comments