Nababahala ang kampo ni Congressman Arnolfo Teves Jr., hinggil sa intelligence report kaugnay sa milyun-milyong pisong suhol na inaalok sa isang suspek sa Degamo murder na nagdidiin sa kongresista bilang utak sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Kaugnay nito ay nagpagpahayag ng matinding pagkabahala ang mga abogado ni Teves lalo pa at matataas na opisyal ng Department of Justice (DOJ) ang nasa likod ng pag-aalok ng milyun-milyong piso sa suspek na si Marvin Miranda.
Sa pahayag ni Atty. Ferdinand Topacio sa media forum sa Maynila, si Miranda ay dinakip kasunod ng pagkapaslang kay Degamo at nasa kustodiya ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI).
Aniya, si Miranda ang nag-iisang suspek na hanggang ngayon ay hindi pa nakapagsusumite ng sworn statement o sinumpaang salaysay patungkol sa Degamo murder ngunit nagsasabing sjya ay tino-torture o pinahihirapan sa NBI custody.
10 suspek na ang nag-atrasan sa kaso at tanging si Miranda na lamang ang nag-iisang alas na hawak ng DOJ laban kay Teves.
Sinabi pa ni Topacio na nababahala na ang DOJ sa tinatakbo ng imbestigasyon lalo na at nauubusan na sila ng testigo sa krimen.
Nanindigan si Topacio na reliable ang pinanggagalingan ng kanilang impormasyon pero patuloy pa rin nila itong bine-verify.