Naaresto ng National Bureau of Investigation o NBI-Cybercrime Division ang tatlong suspek na nasa likod ng hacking sa Facebook, mga bangko at ilang website ng gobyerno.
Ayon kay NBI Director retired judge Jaime Santiago, miyembro ang tatlong naaresto ng malaking hacking groups na tinatawag na Philippine Lulzec at Globalzec.
Sinabi naman ni Atty. Jeremy Lotoc, hepe ng NBI Cybercrime Division, ang mga nahuli ay isang data officer ng Manila Bulletin.
Naaresto aniya ang mga suspek matapos na makakuha ng impormasyon kaugnay sa maraming beses na pag-hack at breaches sa mga pribado at government websites.
Matapos na makakuha ng impormasyon sa ilang indibidwal ay minonitor ng NBI ang galaw ng mga ito sa online at lumikom ng data gaya social media, forums at public databases.
Nasamsam mula kay alias Niel ay ang mga scripts at database na nakuha mula sa local government unit (LGU) at iba’t ibang government websites maging ang credentials ng ilang Facebook users.
Nakuha naman mula sa cellphone ni alias Christian ang na-hacked na data mula sa Philippine National Bank, Security Bank, Banco De Oro, at Union Bank.
Kabilang sa mga kasong isasampa ay Illegal Access Under Section 4(a)(1) at Misuse of Device sa ilalim ng Section 5 (III) of RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012, as well as Unauthorized Access o Intentional Breach under Section 29 ng RA 10173 mas kilala sa Data Privacy Act of 2012