Suspek sa kasong kidnap for ransom, naaresto ng PNP-AKG sa Las Piñas

Nahuli ng mga operatiba ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang isang suspek sa kasong kidnap for ransom sa kanyang pinagtataguan sa St. Joseph Subdivision, Pulang Lupa, Las Piñas City.

Kinilala ni Pol. Brig. Gen. Jonnel Estomo, Director ng PNP-AKG, ang suspek na si Elpidio Escubido Edusma alyas Edwin, miyembro ng Lappay kidnap for ransom group na nag-o-operate sa Ilocos Region.

Naaresto ito sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Ethelwolda Jaravata ng RTC Branch 32 sa Agoo, La Union.


Ayon naman kay PNP AKG Spokesperson Pol. Maj. Ronaldo Lumactod Jr., si Edusma ay kasama sa mga suspek sa pagdukot sa isang negosyante sa Ilocos na si Engr. Ricky Accay noong June 30, 2014.

Limang milyong piso ang hiningi nila sa Pamilya Accay ngunit napababa ito sa 700, 000 piso bago nila napakawalan ang kidnap victim.

Simula noon ay nagtago na si Edusma at ngayon ay nagtatrabaho bilang isang pintor sa Las Piñas City bago siya natunton ng mga pulis.

Facebook Comments