Suspek sa Pagnanakaw ng Cellphone sa Palengke, Nadakip na; Isang Wanted Person, Timbog rin

Cauayan City, Isabela- Naaresto na ng mga otoridad ang suspek sa pagnanakaw ng cellphone sa isang negosyante sa pribadong pamilihan ng Lungsod ng Cauayan.

Ang suspek ay isang 17 anyos na lalaki, Out of School Youth at residente ng Brgy. Union, Kalinga, Luna, Isabela habang ang nabiktima nito ay si Edwin Pestaño, 62 years old, residente ng brgy. San Fermin, Cauayan City kung saan natangay ng suspek ang black Smartphone ng biktima na nagkakahalaga ng P15,000.

Nangyari ang pagnanakaw kahapon matapos umalis ng ilang minuto sa kanyang pwesto ang biktima. Agad namang nireview ang kuha ng CCTV Camera sa tindahan ng biktima kaya natukoy ang suspek na may kasama pang babae at matagumpay na nahuli ng hapon matapos na makitang nag-iikot muli malapit sa pwesto ni Pestaño.

Nasa kustodiya ngayon ng Cauayan City Police Station ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong pagnanakaw ngayong araw.

Sa ating nakuhang impormasyon mula sa PNP Cauayan, kapag nasampahan na ang suspek ay desisyon na ng piskalya kung ipapasakamay ang menor de edad sa CSWD o ibabalik sa poder ng kanyang mga magulang.

Samantala, timbog rin ng mga alagad ng batas ang isang wanted person na si Rubilyn Calacsan, 53 years old, may-asawa, residente ng brgy. District 1, Cauayan City, Isabela.

Dinakip si Calacsan sa bisa ng Warrant of Arrest na inisyu ni Judge Ariel Palce ng RTC Cauayan City, Isabela dahil sa kasong Slander By Deed o mas pinababang paglabag sa Republic Act 7610.

Pansamantala ring nakalaya si Calacsan matapos makapag piyansa ng halagang P2,000.

Facebook Comments