Tuesday, February 24, 2026

SUSPEK SA PAGNANAKAW NG MOTORSIKLO SA DAGUPAN CITY, ARESTADO SA AGNO, PANGASINAN

Arestado sa Agno, Pangasinan ang isang suspek sa pagnanakaw ng motorsiklo na iniulat sa Dagupan City matapos ang isinagawang operasyon ng mga pulis noong Pebrero 20, 2026.

Bandang alas-onse ng umaga nang rumesponde ang mga tauhan ng Dagupan City Police Office Station 2 sa ulat ng carnapping sa Brgy. Herrero-Perez.

Agad na nagsagawa ng technical surveillance ang mga pulis, kabilang ang masusing CCTV backtracking at forward-tracking, upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at ang rutang tinahak nito patungo sa kanlurang bahagi ng lalawigan sakay ng motorsiklo ng biktima.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, napag-alamang residente ng Brgy. Patar, Agno ang suspek kung saan siya natunton at pansamantalang nahawakan ng mga opisyal ng barangay.

Nang makarating ang mga pulis at ang biktima sa Agno, positibong kinilala ng biktima ang nabawing motorsiklo.

Inaresto ang suspek at ibinalik sa Dagupan City. Isinailalim siya sa mandatory medico-legal examination alinsunod sa standard operating procedures at kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act No. 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016 laban sa suspek.

Facebook Comments