Suspek sa pagpaslang kay Jang Lucero, nanindigang hindi siya ang nasa CCTV video

7347
LEFT: Image from Facebook/Robyn Jang Lucero | RIGHT: Photo from Calamba Police

Nanindigan ang inarestong suspek na si Annshiela Belarmino na wala siyang kinalaman sa karumal-dumal na pagpaslang kay Robyn Jang Lucero, ang babaeng driver na natagpuang tadtad ng higit 50 saksak sa kaniyang kotse sa Calamba, Laguna.

Sa isang panayam, mariing itinanggi ng 20-anyos na salarin na siya ang babaeng nakita sa CCTV video na naging pasahero ng biktima noong gabi ng Hunyo 28.

“Hindi po ako ‘yong nasa video. Puwedeng katulad lang ng buhok ko or ginaya ‘yong tattoo ko dahil noong time na ‘yon ay wala ako doon at nakikipag-inuman ako sa ibang lugar,” paglilinaw ni Belarmino.

Papatunayan umano ng dalaga na hindi siya ang utak sa nangyaring krimen.

Sinabi naman ni Belarmino na dati niyang karelasyon ang kasintahan ni Lucero na si Meyah Amatorio subalit nakipaghiwalay din siya nang malamang nakikipagbalikan ito sa biktima.

Bagama’t nasaktan, iginiit ng suspek na wala siyang sama ng loob sa dalawa dahil hindi naman daw tuluyang nahulog ang loob niya kay Amatorio.

Sa kabila ng paliwanag ng akusado, kompiyansa ang Calamba Police na matibay ang nakalap nilang ebidensya laban dito.




Maliban kay Belarmino, sumakay din sa sasakyan ni Lucero ang dalawang lalaki at may nakabuntot na isa pang kotse na posibleng ginamit ng grupo sa pag-eskapo.

Facebook Comments