Sinampahan na ng patong-patong na kaso ng Quezon City Police District (QCPD) ang doktor na pumatay kay dating Lamitan City, Basilan Mayor Rosita Furigay at dalawang iba pa.
Kabilang sa mga isinampang kaso sa suspek na si Doc Chao Tiao Yumol ay tatlong kabilang ng murder, isang bilang ng kasong frustrated murder at paglabag sa RA 10591 o Illegal Possession of Firearms and Ammunitions.
Sinampahan din siya ng kasong carnapping, malicious mischief, at reckless imprudence resulting to damage to property.
Nasa centralized custodial facility na ng QCPD si Yumol.
Linggo nang pagbabarilin ni Yumol si dating Mayor Furigay, executive assistant nito na si Victor Capistrano at gwardiya ng Ateneo na si Jeneven Bandiala habang sugatan ang anak ng alkalde na si Hannah.
Inamin mismo ng suspek na personal na galit ang nag-udyok sa kanya na gawin ang krimen matapos siyang sampahan ng 76 na libel case ng dating alkalde simula noong 2012 makaraan niya itong akusahan na sangkot ang pamilya Furigay sa illegal drug trade sa Basilan.