Suspek sa pagpatay sa babaeng industrial engineer sa Malolos, Bulacan, kinasuhan na!

Pormal nang sinampahan ng mga kaso ang 30-anyos na suspek na si Darwin de Jesus Hernandez sa pagpatay sa isang 24 taong gulang na babaeng industrial engineer sa Malolos, Bulacan.

Ayon kay Bulacan Police Provincial Director Police Colonel Charlie Cabradilla, kahapon ng hapon nang isampa sa Malolos City Prosecutors Office ang kasong robbery with homicide at paglabag sa Republic Act 9662 o Anti-Violence Against Women and their Children Act laban sa suspek.

Dagdag pa ni Cabradilla, mismong ang mga prosecutor ng Malolos City Prosecutors Office na ang nagtungo sa Bulacan Police Provincial Office (PPO) para isagawa ang inquest sa kanilang conference room.


Matatandaang, nahuli si De Jesus nitong Huwebes sa Barangay Tabang sa Guiguinto, Bulacan sa ikinasang follow-up operation ng mga awtoridad matapos ituro ng mga testigo na siyang pumatay sa biktimang si Princess Diane Dayor.

Sinabi rin ni Cabradilla na pagnanakaw ang nakikita nilang motibo sa pagpatay sa biktima.

Lumabas kasi sa medico legal ng biktima na wala itong sugat sa anumang parte ng katawan maliban sa leeg na nakitaan ng bakas ng sakal mula sa strap ng bag nito.

Samantala, lumabas din sa imbestigasyon na dati ng may iba pang kaso ang suspek na may kaugnayan sa ilegal na droga, attempted rape at child molestation sa menor de edad.

Mariing itinanggi naman ni De Jesus ang pagpatay sa naturang biktima.

Una nang inihayag ng Philippine National Police (PNP) na itinuturing ‘case solved’ na ang kaso ng pagpatay kay Princess Diane Dayor.

Facebook Comments