Manila, Philippines – Aminado si QCPD Deputy District Director for Operation P/Sr Supt. Bartolome Bustamante na nahihirapan sila makilala ang gunman sa pagpatay kay Alberto Enriquez empleyado ng BIR na binaril ng malapitan habang bumababa sa kanyang sasakyan sa West Avenue QC dahil sa labo ng kuha ng CCTV sa pinangyarihan ng krimen.
Gayunpaman, sinabi ni Bustamante na ngayong maghapon o kayay bukas ay posibleng magkakaroon na umano ng linaw dahil patuloy ang kanilang paggalugad sa lahat ng posibleng dinadaanan ng mga suspek.
Sa isinagawang briefing ng QCPD CIDG, CIDU, Intelligence Division at ibat ibang Departamento kanina sa Kampo Karingal napag-alaman nila na maraming dinadaanan ang gunman batay na rin sa suot na damit nito pero ayon sa expert technician ay medyo sabog kapag pinapalaki nila ang kuha ng CCTV camera.
Sabi ni Bustamante, hahanap sila ng iba pang mga CCTV na maari nilang titingnan ang kuha ng CCTV ng MMDA, lokal CCTV at iba pang CCTV upang madaling matukoy ang gunman ni Alberto Enriquez.
Dagdag pa ni Bustamante, nakatutok ngayon ang lahat ng operatiba ng QCPD sa kaso ni Enriquez upang mapabilis na malaman ang tunay na motibo ng pagpatay at tinitingnan din nila kung may kinalaman sa kanyang trabaho bilang Chief Assessor sa BIR Novalichez Branch.