Lumawak at lalo pang napagtibay ang mga ebidensyang hawak ng Quezon City Police District na magpapatunay na sangkot sa iba’t ibang kaso ng murder at pagpatay ang hawak nilang mga suspek na sinasabing responsable sa brutal killing kay Ruby Rose Barrameda.
Ito ay matapos na ikanta ng isa sa arestadong suspek na si Noli Banegas Cape ang kanilang pagpatay sa isang nagngangalang Noel Guiric Gonzaga halos tatlong taon na ang nakalilipas.
Ayon kay QCPD Criminal Investigation and Detection Unit Chief PMaj. Dondon Llapitan, mismong si Cape ang nagturo kung nasaan ang labi ni Gonzaga na nasa kustodiya ng Crystal Funeral Homes sa Brgy. 180 Caloocan City.
Lumalabas sa imbestigasyon ng CIDU na kidnap-for-ransom ang motibo ng grupo ni Cape sa pagkidnap sa biktima.
Aniya, P200,000 ransom ang hinihingi ng mga kidnapper pero hindi na nakapagbigay ang pamilya ng biktima dahil wala nang maipakitang proof of life ang mga suspek sapagkat patay na ang biktima nang isinasagawa ang negosasyon.
Napag-alaman ng CIDU na kababata at high school classmate ng suspek na si Cape si Gonzaga na missing noon pang March 16, 2022.
Ayon kay Police Major Llapitan, March 16, 2022 nang patayin ang biktima at saka itinapon at natagpuan ng Caloocan City PNP.
Nabatid na matapos maaresto si Cape at isa pa noong nakalipas na linggo dahil sa pagpatay sa isang negosyante ay nakipag-ugnayan ang pamilya ng biktima sa QCPD hanggang sa umamin ang suspek sa krimen.
Matatandaan na ang suspek at isa pa ay isinasangkot sa pagpatay kay Ruby Rose Barrameda, ang kapatid ng aktres at beauty queen na si Rochelle Barrameda na natagpuang nakasemento sa isang steel drum sa fishport sa Navotas noong 2009.